Thursday, February 5, 2026

Pitong suspek sa pagnanakaw sa isang convenience store sa Nueva Ecija, naaresto sa Quezon City

Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang pitong suspek na sangkot sa pagnanakaw sa isang convenience store sa Barangay Dampulan, Jaen, Nueva Ecija.

Batay sa ulat ng pulisya, anim sa mga suspek ang pumasok sa tindahan bandang 4:30 ng umaga noong Enero 12, kung saan tinangay nila ang isang vault na naglalaman ng tatlong araw na benta na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱82,600.

Bukod dito, kumuha rin ang mga suspek ng mga grocery items na tinatayang ₱12,000 ang halaga, pati na rin ang EC Pay kiosk ng tindahan.

Agad na nag-request ng alarm at nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad. Bandang 8:45 ng umaga, narekober ang EC Pay kiosk sa madamong bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) southbound sa Marilao, Bulacan.

Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kalaunan ay naaresto sa Barangay Greater Lagro, Novaliches, Quezon City ang anim na suspek, kasama ang live-in partner ng isa sa mga akusado na sangkot din umano sa krimen.

Narekober sa lugar ang sasakyang ginamit sa pagnanakaw, dalawang baril, mga plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, safety vault na may lamang pera, dalawang steel crowbar, dalawang chisel, dalawang cellphone, power hack grinder, plakang ginamit ng mga suspek, isang backpack, at iba’t ibang grocery items mula sa convenience store.

Sa kasalukuyan, dinala ang lahat ng mga suspek sa Jaen Municipal Police Station kung saan sila nakakulong habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kanila.

Pinuri naman ni Nartatez ang mga tauhan ng Nueva Ecija Police at Quezon City Police District sa matagumpay na joint follow-up operation.

Facebook Comments