Nasakote sa ikinasang entrapment operations ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pitong indibidwal dahil sa pagbebenta ng registered SIM cards online.
Ikinasa ng ACG ang operasyon sa Valenzuela, Rizal, Quezon City at Maynila.
Tatlo sa naaresto ay pawang mga babae habang apat naman ang lalaki.
Ang operasyon ay bunsod ng direktiba ni PNP-ACG Director MGen. Francis Cariaga dahil sa laganap pa rin ng pagbebenta online ng mga verified at registered SIM card sa iba’t ibang social media platforms katulad ng Facebook.
Ibinebenta ang mga registered SIM cards sa halagang P14 hanggang P3,500.
Umabot ng halos 400 SIM cards ang nakumpiska sa mga suspek.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act at RA 11934, o the Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.