Pitong tauhan ng DOH CALABARZON, positibo sa COVID-19

Nagpositibo sa COVID-19 ang pitong staff ng Department of Health (DOH) CALABARZON matapos sumailalim sa swab test ang lahat ng empleyado nito.

Dahil dito, pansamantalang sarado ang tanggapan ng DOH-CALABARZON na matatagpuan sa Quirino Memorial Medical Center Compound sa Project 4, Quezon City sa loob ng isang linggo.

Sa pahayag ni DOH Regional Director Eduardo Janairo, sarado ang kanilang tanggapan mula bukas, July 27 hanggang July 31 para magsagawa ng pagliliinis at disinfection kung saan magbabalik ang kanilang operasyon sa August 3, 2020.


Ang mga nagkaroon naman ng close contact sa mga nagpositibo ay sasailalim sa strict quarantine at isolation para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Paliwanag pa ni Janairo, ang mga hakbang na kanilang ginagawa ay para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng iba pa nilang empleyado gayundin ng publiko.

Napag-alaman na sa pitong kumpirmadong kaso, anim dito ay kasalukuyang active cases.

Dagdag pa ni Janiaro, lahat ng official communications ay idadaan sa kanilang DOH-CALABARZON official website at lahat ng staff ay sasailalim sa work-from-home basis para maipagpatuloy ang mga serbisyong kinakailangan.

Facebook Comments