Thursday, January 29, 2026

PITONG WANTED PERSON, ARESTADO SA IBA’T IBANG BAYAN AT LUNGSOD SA PANGASINAN

Pitong wanted person ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ng Pangasinan noong Enero 28, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng mga umiiral na warrant of arrest.

Sa bayan ng Sual, isang 29 anyos na babae ang inaresto sa Barangay Poblacion matapos ipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong Unjust Vexation in relation to Republic Act 10175, na may inirekomendang piyansang ₱3,000.00.

Dalawa namang wanted person ang nadakip sa Malasiqui. Ang una ay isang 73 anyos na lalaking may asawa na inaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 9287 o illegal gambling na may piyansang ₱10,000.00.

Ang ikalawa ay isang 68 anyos na lalaking karpintero, na inaresto rin sa parehong paglabag sa RA 9287 na may kaparehong halaga ng piyansa. Kapwa sila isinailalim sa kustodiya ng Malasiqui Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon.

Sa Mangatarem, isang 62 anyos na babaeng negosyante at residente ng Calasiao ang naaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong estafa, na may inirekomendang piyansang ₱18,000.00. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Mangatarem Municipal Police Station.

Samantala, sa Urdaneta City, isang 26 anyos na lalaking residente ng Manaoag ang inaresto para sa paglabag sa Section 7, Paragraph 4 ng Republic Act 9175 o ang ilegal na paggamit ng chainsaw. Siya ay dinala sa kustodiya ng Urdaneta City Police Station.

Isang 21 anyos namang lalaking residente ng Mangaldan ang naaresto sa nasabing bayan matapos ipatupad ang bench warrant na inilabas ng Municipal Trial Court kaugnay ng kasong Slight Physical Injuries, dahil sa kabiguang humarap sa korte. Inirekomenda ang piyansang ₱3,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Sa Dagupan City naman, isang 34 anyos na babaeng negosyante ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Police Station 1 at mga yunit ng Dagupan City Police Office sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018. May inirekomendang piyansang ₱72,000.00 ang naturang kaso, at ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Dagupan City Police Office para sa wastong disposisyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments