Patuloy ang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi ng kani-kanilang probinsiya sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para samantalahin ang bakasyon ngayong Semana Santa.
Simula nang mag-Alert Level 1 ay nasa 100 porsiyento na ang kapasidad ng mga bus at wala na ring hinihinging dokumento para makapasok sa terminal.
Pero paalala ni PITX Spokesperson Jason Salvador, alamin muna kung may dagdag na requirements ang pupuntahang lugar.
Ito’y para magkaroon sila ng pagkakataon na mapaghandaan ito at upang hindi masayang ang kanilang biyahe.
Sa nakalipas na sampung araw, mas mataaas na sa pre-pandemic levels ang naitatalang pasahero sa PITX kung saan nasa 91,000 kada araw ang average na bilang ng mga pasaherong gumagamit ng terminal.
Mas mataas ito sa 70,000 hanggang 75,000 tuwing Holy Week bago mag-pandemya.
Ngayong araw o ngayong Miyerkules Santo, inaasahang dadagsa ang mga pasahero dito sa PITX lalo na mamayang hapon hanggang gabi dahil ito na ang huling araw na may pasok.