Nagtalaga ng karagdagang tauhan ang pamunuan ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa muling pagdagsa ng mga pasahero mula sa iba’t ibang probinsya.
Ayon kay PITX Corporate Affairs Head Jason Salvador, ito’y para mas ma-accommodate nila ang mga pasahero kung saan inaasahan nila na aabot sa 100,000 ang bilang ng mga ito.
Bukod dito, nagdagdag din ng mga biyahe ng bus para hindi maantala o maghintay nang matagal ang mga pasahero.
Maging ang mga stall o tindahan sa loob ng PITX ay pinalawig na rin ang oras ng kanilang negosyo upang hindi na rin lumabas pa ng terminal ang mga pasahero para bumili ng kanilang pangangailangan.
Aminado naman si Salvador na malaking hamon sa kanilang ngayong ang pagpapatupad ng minimum health protocols kontra COVID-19 dahil sa dami ng bilang mga pasahero.
Iginiit ni Salvador na hangga’t makakaya ay sisikapin ng mga itinalaga nilang COVID ambassadors na maipatupad ang health protocols upang maiwasan na magkaroon ng hawaan ng nasabing sakit.