Nasa 752 na ang request na natanggap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa special permit dahil sa inaasahang bugso ng mga pasahero sa panahon ng undas.
Layon ng special permit na ma-accommodate ang dami ng pasahero sa lahat ng terminal sa Kalakhang Maynila partikular mula October 25 hanggang November 10.
Kaugnay nito, magsasagawa ng inspeksiyon ang mga tauhan ng Land Transportation Office para matiyak na maayos ang mga pasilidad at masiguro ang roadworthiness ng mga pampublikong sasakyan na bibiyahe.
Magde-deploy naman ng dagdag na tauhan ang Special Action and Intelligence Committee for Transportation para maipatupad ang batas trapiko dahil sa bugso ng mga pasahero at sasakyan sa mga terminal.
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) naman ang patuloy na magmamando sa daloy ng mga sasakyan lalo na sa peak travel period.
Samantala, inaasahan na ring dadagdagan ang presensiya ng mga pulis na magbabantay sa mga mataong lugar gaya ng terminal upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.
Hinikayat naman ng pamunuan ng PITX ang mga pasahero na dumating nang maaga at i-check ang kanilang mga schedule ng biyahe.