Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa ilang kompanya ng bus at transport operators.
Ito’y para masiguro na sapat ang mga pampublikong sasakyan sa darating na Semana Santa.
Nabatid na nasa 22 bus unit na ang una ng binigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permit upang makabiyahe sa darating na holy week.
Ayon kay Jason Salvador, ang tagapagsalita ng PITX, dadagdagan ang mga bus unit sa mga babiyahe patungong Bicol Region dahil sa inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero.
Aniya, pinoproseso na rin ng LTFRB ang special permit ng iba pang bus upang makabiyahe na rin sa PITX sa panahon ng mahal na araw.
Nakahanda naman na ang PITX sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero kung saan magdaragdag din sila ng personnel upang masiguro ang serbisyo.
Matatandaan na una nang sinabi ng PITX na tinataya nilang aabot sa 1.2 milyon ang pasahero na babiyahe sa kanilang terminal ngayong Semana Santa.