Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng pamunuan ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero simula mamayang hapon.
Ito’y dahil sa long weekend mula bukas, Biyernes, Aug. 23 hanggang Lunes, August 26 bunsod ng holiday.
Unang sinabi ni Jason Salvador, Head ng Corporate Affairs ng PITX, inaasahan nila na papalo sa 1.5 milyong pasahero ang pupunta sa terminal.
Kaya’t dahil dito, magdadagdag sila ng mga tauhan mula sa labas at loob ng terminal para masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero.
Bukod dito, maghihigpit sila ng seguridad upang maiwasan ang hindi inaasahang insidente.
Maging ang mga bus na babiyahe lalo na sa mga probinsiya ay isasailalim din sa inspeksyon para masiguro na wala itong magiging problema.
Sa kasalukuyan, normal ang biyahe ng mga city at provincial bus sa PITX kung saan pinapayuhan naman ang mga pasahero lalo na mamayang uwian na planuhin maigi ang biyahe at kung maaari ay magtungo ng maaga sa terminal upang maiwasan ang aberya.