
Patuloy ang dagsa ng mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) tatlong araw bago ang Pasko.
Ayon sa pamunuan ng terminal, pumalo sa 201,385 ang bilang ng mga biyahero na gumamit ng terminal kahapon, mas mataas kumpara sa naitala noong December 20 na umabot rin sa 200,153 na mga biyahero.
Sa ngayon, kapansin-pansin ang mahahabang pila sa mga ticketing booth sa terminal, gayundin ang dami ng mga pasaherong naghihintay ng kanilang biyahe, partikular ang mga patungo sa Katimugang Luzon at Bicol.
Ayon naman sa pinakahuling datos ng PITX, wala pa itong naitatalang fully booked na mga biyahe sa kabila ng holiday rush.
Todo pa rin ang pagbabantay sa loob at labas ng nasabing terminal, gayundin ang mahigpit na security check sa pagpasok pa lamang ng PITX upang matiyak ang maayos na daloy ng mga biyahero.









