*Cauayan City, Isabela*- Ipinag utos na ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan ang kanselasyon sa pagdaraos ng piyesta sa barangay at iba pang malalaking selebrasyon kaugnay sa banta ng coronavirus (COVID-19).
Ayon kay City Mayor Bernard Dy, kinakailangan na matiyak ang kaligtasan ng publiko at makaiwas sa nasabing sakit dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa naturang sakit sa bansa.
Sinabi pa ng alkalde na mangyaring paigtingin ang pagbabantay sa mga lugar sa barangay para makaiwas sa banta ng COVID-19.
Iniutos din nito sa mga opisyal ng barangay na magsagawa ng pagtatapon ng basura at paglilinis sa mga kalye at mga kanal para sa kaligtasan ng lahat.
Tiyakin din aniya ang lahat ng residente sa lugar na higpitan ang pagbabantay sakaling makitaan ng ilang sintomas ng COVID-19 at agad na ipagbigay alam sa mga kinauukulan.