Manila, Philippines – Taong 2016 pa niluluto ng CPP-NPA ang kanilang planong “Red October” para patalsikin sa pwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Defense Secretary Delfin lorenzana, sinimulang pagplanuhan ng CPP-NPA na ibagsak ang Administrasyong Duterte noon pang October 2016 bago pa man kanselahin ng Pangulo ang usapang pangkapayapaan sa mga komunista.
Ito aniya ay batay sa mga dokumentong nakuha ng AFP sa isang enkwentro sa NPA sa Bukidnon noong February 2017.
Noong panahon aniyang kinansela ng Pangulo ang peace talks, ay minadali aniya ng CPP-NPA ang kanilang plano na humikayat ng iba’t-ibang mga grupo na magsama-sama kontra sa administrasyon.
Ang plano aniya ng CPP-NPA na magsagawa ng malawakang street protests na parang “People Power”.
Pero walang nakuhang suporta ang mga komunista, na nakita sa matumal na paglahok ng masa sa ikinasang “Black Friday” protest noong September 21.
Kaya aniya, kahit na sineseryoso ng militar ang banta ng “Red October”, ay itinuturing na nilang walang kakayahan ang CPP-NPA na pabagsakin ang pamahalaan.