Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Inter-Agency Task Force o IATF na isama sa patakaran kaugnay sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang “urgent plan” kung paano maiibsan ang pagbuhos ng mga pasyente sa mga ospital.
Ayon kay Villanueva, napupuno na ang mga ospital sa Metro Manila at sa mga karatig probinsya, pribado man o pampubliko, dahil na rin sa record-breaking na pagtaas ng mga isinusugod dito dahil sa COVID-19.
Tinukoy ni Villanueva na maraming ospital ang may karatula na sa pintuan na nagsasabing hindi na tumatanggap ng COVID-19 patients at ito ang pinakamasakit na mabasa para sa isang pasyenteng naghihingalo na.
Giit pa ni Villanueva, mas mainam kung may “battle plan” ang IATF na babalangkas kung paano matutulungan ng gobyerno ang mga ospital, pati ang healthcare frontliners, na hindi na makagulapay sa patuloy na pagbuhos COVID-19 cases sa kanilang mga institusyon.
Ito ang nakikitang missing link ni Villanueva sa IATF advisory na mahalagang maihabol kaagad, dahil katulad ng mga pasyente sa Emergency Room (ER), ang mga ospital ay nangangailangan din ng urgent care at lunas.