Tutol ang mga guro sa plano ng Department of Education (DepEd) na magpatupad ng Saturday classes bilang bahagi ng adjustment period sa pagbabalik ng dating school calendar para sa school year 2024-2025.
Ito ang iginiit ni Act Teachers Party-List Representative France Castro sa panayam ng RMN Manila.
Ayon kay Castro, makababawas ito sa oras sa pamilya ng mga guro at makaka-apekto rin sa iba pang aktibidad para sa kanilang personality development.
Hindi rin aniya epektibong solusyon ang asychronous classes dahil hindi lahat ng mga guro at estudyante ay may access sa computer at internet.
“Ito ang panahon nila para sa kanilang pamilya. Pangalawa, nagpe-prepare sa kanilang mga lesson, visual aid para sa next week na pagtuturo. Pangatlo, may mga nag-aaral diyan na mga teachers for professional growth yung iba naman may ibang personal na ginagawa kaya as much as possible ayaw ng mga teacher ng Saturday classes, kahit nga asynchronous classes dahil napatunayan naman na yung online classes hindi nagiging effective.”
Kasunod nito, inirekomenda ni Castro na iwasan na muna ang pagsasagawa ng mga non-academic activities para mapunan ang kakulangan sa araw ng pasok sa susunod na school year.
“Sana itong panahon ng 160 days wala na itong mga disruption of classes katulad ng programs, may mga kung anu-anong activities na pinapagawa sa teachers at students. Sana wala ng ganon, purely academic hours para talagang yung 15 days na ‘yan ay ma-compensate sa pagtuturo at pag-aaral.”