Manila, Philippines – Suportado ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar ang plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na irekomenda ang paglalabas sa listahan ng mga pulitikong sangkot sa iligal na droga bago ang 2019 midterm elections.
Sa isang interview sinabi ng kalihim na sang-ayon siya sa posisyon ni DILG Sec. Eduardo Año na dapat ilabas ang narco-list bago mag-eleksyon para magsilbing gabay ng mga botante.
Aniya, deserve ng taumbayan ng lider na malinis at walang kinalaman sa droga at kriminalidad.
Pero sabi ni andanar, dapat na kasama lang sa ilalabas na listahan ang mga indibidwal na napatunayang may sangkot sa iligal na droga.
Samantala, nauna nang sinabi ni Sec. Año na well-vetted ang drug list dahil apat na ahensya ng gobyerno ang masusing nag-aral dito.