Plano ng DOE sa Malampaya, dapat isapubliko

Pinapasapubliko ni Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) ang mga plano at programa nito hinggil sa Malampaya sa gitna ng pagbebenta ng interes ng operator nito na Shell Philippines Exploration o SPEX.

Diin ni Gatchalian, mahalagang malaman ng bawat Pilipino kung ano ang naghihintay sa bansa oras na masaid na ang Malampaya tatlong taon mula ngayon.

Ayon kay Gatchalian, ito ay dahil malaki ang papel ng Malampaya na siyang nagsusuplay ng 19.16% ng pangangailangan ng bansa sa kuryente kung pagbabasehan ang datos noong nakaraang taon.


Kaugnay nito ay ikinakasa ni Gatchalian ang imbestigasyon ng pinamumunuan niyang Committee on Energy para busisiin ang estado ng pagbebenta ng interes sa Malampaya ng SPEX pati na rin ang magiging basehan ng DOE sakaling aprubahan nito ang planong bentahan.

Paliwanag ni Gatchalian, napaka-kritikal para sa DOE na siguruhing sinuman ang papalit sa Shell bilang operator ay may kaparehong sapat na karanasan o kapasidad at may kakayahang matugunan ang teknikal, pinansyal, at ligal na aspeto sa pagpapatakbo ng Malampaya.

Dagdag pa ni Gatchalian, dapat ding isaalang-alang ng DOE na masusunod ang mga probisyon sa paglilipat ng interes ng mga miyembro ng consortium tulad ng pagsasailalim sa matinding pagsusuri na nakasaad sa ilalim ng Presidential Decree No. 87.

Facebook Comments