Naniniwala si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na ang bumubuting sitwasyon sa airline industry ang pipilit sa Philippine Airlines (PAL) na irekonsidera ang plano nitong lay off ng nasa 2,400 na manggagawa.
Ayon kay Bello, ang airline business ay nagsisimula nang makabangon lalo na at pinapayagan na ng kagawaran ang ilang manggagawa na makabalik sa kanilang trabaho abroad na mayroong maayos na health at safety conditions.
Hindi na aniya kailangan ng PAL na tanggalin sa trabaho ang ilan nitong manggagawa dahil unti-unti nang sumisigla ang airline industry at dumarami na muli ang biyahe paalis at papasok ng bansa.
“It is the prospect of better mobility and travel conditions that can make PAL change its mind about the fate of its workers. The good news is that things are improving in the country including the way we move from one place to another,” paliwanag ni Bello.
Nabatid na inanusyo ng airline company na babawasan nila ang kanilang workforce ng hanggang 35% bilang bahagi ng recovery plan mula sa pagkalugi nila dulot ng pandemya.