
Nilinaw ng Malacañang na hindi pa tuluyang nababakante ang pwesto ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at wala pang inihahandang listahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng posibleng pumalit sa kaniya.
Ito’y matapos kumpirmahin ni Remulla na interesado siya sa posisyon ng Ombudsman, sa harap ng nakatakdang retirement ni Ombudsman Samuel Martires sa July 27.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nirerespeto ng Malacañang ang plano ni Remulla na bumaba ng pwesto para mag-apply bilang susunod na Ombudsman.
Pero sa ngayon aniya ay wala pang kalinawan kung may basbas ng pangulo ang plano ng kalihim, dahil wala pang natatanggap na shortlist o listahan si Pangulong Marcos ng mga pagpipiliang pumalit kay Martires.
Batay sa naunang anunsyo ng Judicial and Bar Council, hanggang July 4 maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga mag-aapply sa pwesto ng Ombudsman.









