Plano ni Pangulong Bongbong Marcos na soft launch ng MIF sa World Economic Forum, binatikos ng isang kongresista

Hindi katanggap-tanggap para kay Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas ang umano’y plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na soft launch ng Maharlika Investment Fund o MIF sa kaniyang magiging pagdalo sa World Economic Forum sa Switzerland.

Diin ni Brosas, isang kahihiyan na ibida ni Marcos sa mga dayuhang mamumuhunan ang multi-billion na MIF sa gitna ng kabiguan ng pamahalaan na aksyunan ang mababang pasahod habang patuloy ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Si Brosas ay isa sa mga bumoto kontra sa pagpasa ng Kamara sa panukalang MIF sa katwirang hindi nito matutugunan ang mga problema sa sektor ng agrikultura tulad ng pagtaas sa presyo ng sibuyas, gulay at iba pang pagkain.


Giit ni Brosas, dapat unahing tugunan ng gobyerno ang panawagan ng mga magsasaka at producers para sa sapat na subsidiya sa gastos sa produksyon ng mga produktong pang-agrikultura, pagpapababa sa halaga ng mga input at pagsawata sa mga mapagsamantalang importer at kartel.

Facebook Comments