Plano para sa clinical trials ng COVID vaccine, dapat gawing pulido

Giniit ni Senador Francis Tolentino ang paglalatag ng mga ahensya ng pamahalaan ng isang pulidong plano para sa nalalapit na pagsasagawa ng COVID- 19 vaccine trials.

Sa harap ito ng magkakaibang pahayag mula sa Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa gagawing clinical trials ng hindi bababa sa anim na bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Tolentino, dapat malinaw kung sino sa mga nabanggit na ahensya ang pangunahing tututok sa gagawing test-run ng mga bakuna kontra COVID-19.


Binanggit ni Tolentino ang pahayag ni DOST Secretary Fortunato dela Peña na lumagda ang kaniyang ahensya ng Confidential Data Agreements (CDA) sa limang bansa para sa Coronavirus vaccine subalit naghugas kamay ito nang tanungin sa mga napa-ulat na nagsulputang COVID-19 vaccines sa black market at kung dumaan ba ito sa tamang proseso.

Naguguluhan din si Tolentino dahil panay anunsyo ang DOH at DOST sa mga umano’y nakatakdang clinical trials sa bansa na taliwas sa pahayag ng FDA na wala pang aprubadong aplikasyon para sa pagsasagawa ng test-run ng COVID vaccine.

Nais din ni Tolentino na linawin ang mga pananagutan at reponsibilidad ng mga ahensyang may kinalaman sa clinical trials.

Dagdag pa ni Tolentino, mahalaga rin na magkaroon ang pamahalaan ng klarong communication plan upang mabigyang linaw sa mga Local Government Unit (LGU) ang kanilang trabaho sa clinical trials.

Facebook Comments