Posibleng maglabas ng desisyon si Vice President Leni Robredo sa Setyembre o Oktubre hinggil sa magiging plano nito sa halalan sa 2022.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na sa Oktubre 8 ang deadline niya sa pagdedesisyon, ang huling araw din ng paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Oras na maghain siya ng COC, hindi na niya ito babawiin.
“Ang deadline ko, October 8. Kung kaya na magdesisyon na by September, magdedesisyon na by September. Pero sa’kin, kapag nag-file ako, hindi ako magwi-withdraw kahit pa ga’no kahirap,” ani Robredo.
Pero sa ngayon, ayon sa pangalawang pangulo, mas naka-focus siya sa pagtugon sa pandemya lalo ngayon na tumataas na naman ang kaso ng COVID-19.
“Isu-suspend ko muna yung lahat ng initiative sa pag-uusap kasi ECQ ngayon. May panahon pa naman para puliduhin ang mga engagement at usapan, may mga bagay na mas urgent kasi ECQ nga sa mas maraming lugar ngayon, syempre tuloy ang pagkalat ng Delta variant,” dagdag niya.
“Tutukan ko muna. Sana in two weeks maganda na ulit ang numbers para maglaan ng oras sa 2022 elections.”
Una nang sinabi ni Robredo na bukas siyang tumakbo sa anumang posisyon sa susunod na taon.