Planong bakuna sa manggagawa ngayong Labor Day, dapat ituloy-tuloy na

Pinuri ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbabakuna sa mga manggagawa ngayong Labor Day.

Giit ni Villanueva, hindi lang sa Mayo Uno, kung hindi dapat tuloy-tuloy na ang bakuna para sa ating mga manggagawa.

Umaasa si Villanueva na hindi lang ito ‘for show’ ng isang araw lang, at sana maging isang tuloy-tuloy na programa na ito dahil kailangan ng ating economic frontliners ang mabakunahan na laban sa pagsabak sa araw-araw na peligro.


Kasabay nito ay nanawagan din si Villanueva sa DOLE na balangkasin na ang listahan ng “essential workers” sa ilalim ng A4 classification sa vaccination drive ng economic frontliners pagkatapos ng Labor Day.

Paliwanag ni Villanueva, dapat nang ihanda ng kagawaran ang rehistro ng kasama sa A4 priority list para maidaos ng matiwasay ang pagbabakuna ng wala delay at gusot.

Hiling pa ni Villanueva, dapat ay hindi lang manggagawa sa formal sector at Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kasama sa mabakunahan, kundi pati na rin ang nagtatrabaho sa informal sector.

Halimbawa nito ang mga tindera ng pagkain sa palengke, driver ng jeep, pahinante ng mga food truck, na pawang mga essential workers na hindi kasama sa directory of workers ng isang kumpanya.

Iminungkahi rin ni Villanueva na kung maaari ay baka pwede na ring maging vaccination sites ang mga pabrika at lugar ng paggawa o kaya ay sa mga terminal o garahe ng mga bus o jeepney basta’t nasa ilalim ng direksyon ng pamahalaan.

Facebook Comments