Kinontra ng National Security Council (NSC) ang planong Christmas convoy sa Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Sierra Madre sa Ayungin Shoal at iba pang katulad na aksyon.
Sa inilabas na kalatas ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea, sinabi nito na bagama’t suportado ng NSC ang adhikain at intensyon ng “Atin Ito” coalition na maghatid ng kasiyahan sa mga sundalo ngayong lapaskuhan, hindi magiging maganda na gawin ito sa gitna ng mataas na tension sa pagitan ng Pilipinas at China.
Inirekomenda naman ng NSC na sa halip na sa Ayungin mas mabuting gawin na lamang ang plano sa ibang bahagi ng Kalayaan Island Group na okupado ng Pilipinas.
Kabilang na rito ang mga Isla ng Lawak, Kota, Likas, Pag-asa, Parola, Panata, Patag at Rizal Reef.
Sinabi ng NSC na mayroon din frontliners sa naturang mga lugar na nangangailangan ng pamasko at donasyon mula sa publiko.
Kung nais naman nila, maaari rin i-donate sa Philippine Navy at PCG ang donasyon kung saam sila na ang maghahatid nito sa Sierra Madre.
Tiniyak naman ng NSC na may sapat na supply ang Navy at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sundalo sa Ayungin sa tulong ng PCG sa pamamagitan ng regular na Rotation and Resupply Mission kaya’t hindi kailangan ang Christmas convoy ng mga sibilyan.