Planong fire hydrant sa makikitid na lugar sa barangay, itinutulak ng BFP

Itinutulak ng Bureau of Fire Protection- National Capital Region (BFP-NCR) ang paglalagay ng mga sariling hydrant sa mga makikitid o masisikip na lugar sa kada barangay.

Ito ang naging pahayag ni BFP-NCR Director Fire Chief Superintendent Nahum Tarroza kung saan malaking tulong daw ito upang mas mabilis ang pagresponde sakaling magkaroon ng sunog.

Ipinaliwanag pa ni Tarroza na kadalasan ay nahiharapan ang fire trucks na makaresponde sa sunog kung makitid ang mga daraanan kaya’t mas maigi kung may sariling fire hose hydrant at fire extinguisher ang kada barangay.


Aniya, ang mga barangay na nais namang maglagay ng fire hydrant ay maaaring makipag-ugnayan sa BFP upang maituro ang tamang paggamit nito sa pag-apula ng apoy.

Sinabi pa ni Tarroza, nakikipag-ugnayan din sila sa mga pribadong sektor para sa programang pagpapakabit ng sariling fire hydrant sa mga barangay.

Facebook Comments