
Inanunsyo ngayon ng Department of Public Works and Highways o DPWH na wala munang mangyayaring pagkukumpuni para sa pinaplanong rehabilitation ng buong stretch ng EDSA.
Ang pahayag ay kasabay ng inaabangang pagsisimula ng pagkukumpuni sa EDSA ngayong buwan ng Abril.
Ayon kay DPWH NCR-Director Lorie Malaluan, ang postponement ay resulta ng serye ng mga coordination meeting sa pagitan ng iba’t ibang mga stakeholder at mga ahensya ng gobyerno.
Numero uno kasi ani Malaluan sa prayoridad ay ang mabawasan ang impact na idudulot nito sa daloy ng trapiko.
Sabi ng ahensya, ang muling pagkabalam ay para mabigyang-daan ang paghahanda sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN meeting.
Sa ngayon, bagama’t wala pang pinal na petsa, ang sabi ng DPWH pagkatapos na ng eleksyon sa Mayo inaasahan itong masisimulan.
Pangalawang beses nang napo-postpone ang pagkukumpuning ito sa isa sa nangungunang major highway dito sa Metro Manila.
Giit ni Director Malaluan, ang nais aniya ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. kapag nai-anunsyo na ang pag-arangkada ng rehabilitasyon ay magtutuloy na talaga at hindi na pabago-bago.
Batay sa plano ng DPWH, Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authoriy (MMDA), ang Rehalitasyon ng EDSA ay naglalayong gawing mabilis ang biyahe ng publiko at bawasan ang matinding trapik na nararanasan sa EDSA lalo na tuwing rush hour.