Tinawag ni Senator Sherwin Gatchalian na “premature” ang suhestyong gawing “state witness” si Shiela Guo laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o si Guo Hua Ping.
Ayon kay Gatchalian, masyado pang maaga para gawing “state witness” laban kay Alice Guo at sa mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Bamban at Porac si Shiela.
Duda rin ang mambabatas kung magsasalita o magbibigay ng detalye si Shiela laban kay Alice lalo pa’t sa unang pagsalang nito sa pagdinig ng Senado ay wala itong naibigay na kongkretong detalye ng kanilang pagtakas sa Pilipinas.
Kung matatandaan naunang inihayag ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na may posibilidad na maging “state witness” si Shiela dahil kwalipikado ito at maituturing na hindi pinakautak ng krimen.
Subalit kinontra ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at para sa kanya hindi “reliable” o hindi kapani-paniwala na “state witness” si Shiela partikular na sa mga inihayag nito na kanilang pagtakas ni Alice at Wesley Guo na mistulang sine ang mga tagpo.
Samantala, tiniyak naman ni Gatchalian na mananatili pa rin sa kustodiya ng mataas na kapulungan si Shiela Guo hangga’t hindi ito nagbibigay ng mga detalye sa kanilang pag-alis sa Pilipinas, sa mga negosyo ng pamilyang Guo at ang mga papel na ginampanan sa operasyon ng mga iligal na POGO.