Planong ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas, kinontra ng ilang kongresista

Mariing kinontra ng mga mambabatas sa Mindanao ang hirit nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating House Speaker na ngayon ay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose Dalipe, hindi makabubuti sa Pilipinas at sa ekonomiya ang nabanggit na idea kung saan baka madehado lang ang Mindanao.

Tahasan din nagpasaring si Dalipe na porke may distrito na nakakuha ng P51 bilyon ay gusto na nila na ihiwalay ang Mindanao kaya paano naman ang ibang lugar sa rehiyon.


Giit naman ni Camiguin Rep. Jurdin Romualdo, ito ay taliwas sa prinsipyo ng pagkakaisa sa buong bansa at nagbiro pa ito na pangit tingnan sa seal ng Kamara kung mababawasan ng isa ang star na kumakatawan sa Mindanao.

Sabi naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, dapat ihinto na ang ganitong uri ng proposals na makakaapekto sa isinusulong na malakas at nagkakaisang Pilipinas gayundin sa pagpreserba ng katatagan ng ating teritoryo.

Apela rin ni Rodriguez, bigyan ng tyansa si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na pamunuan ang buong bansa, kasama ang Mindanao.

Diin naman ni Surigao del Norte Robert Ace Barbers, dapat itong pag-aralang mabuti pero sa ngayon malabo itong maiprayoridad dahil mas maraming bagay ang mas dapat tutukan.

Facebook Comments