Malugod na tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang hakbang ni Senador Raffy Tulfo na panukalang imbestigahan ang nangyaring raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) Hub sa Las Piñas City kamakailan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Red Maranan, magandang pagkakataon ito upang maipaliwanag ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kanilang panig.
Kasunod nito, tiniyak ni Maranan na transparent ang Pambansang Pulisya sa mga operasyon na kanilang isinasagawa.
Matatandaang pinuna ni Sen. Tulfo ang kawalang linaw sa imbestigasyon ng PNP-ACG, kung saan nasagip ang nasa halos 3,000 POGO workers at pagkahuli sa pitong pugante na kinabibilangan ng apat na Chinese at tatlong Taiwanese.
Batay sa source ng senador, tila ginagatasan umano ng raiding team ang mga banyagang nahuli sa raid bago tuluyang palayain.
Kinuwestyon din ni Tulfo ang pagpapalaya ng ACG sa mga Pilipino sa raid kahit wala umanong malinaw na imbestigasyon sa isyu ng human trafficking.
Maliban dito, naging mabagal umano ang aksyon upang maiproseso ng Bureau of Immigration (BI) ang mga nasagip na POGO workers.