Planong imbestigasyon ng Senado ukol sa ‘state-funded troll farms’, suportado ni Robredo

Mapanganib para sa demokrasya ng bansa ang kalakaran ng “troll farms.”

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Vice President Leni Robredo na pinapatay ng mga troll ang diwa ng demokrasya kung saan malaya ang mga tao na magpahayag ng kanilang hinaing sa gobyerno.

Aniya, may mga ordinaryong tao na kahit may nakikitang katiwalian ay nananahimik na lamang dahil sa takot na kuyugin ng mga troll.


“Mula 2016, magkontra ka sa administrasyon, isu-swarm ka ng mga trolls. Ito yung karapatan mo na pumuna ay nawawala kasi natatakot. Kasi kung iimik sila, talagang yung pagkatao nila ang aatakihin,” ani Robredo.

“Kapag hinayaan natin yung ganitong kalakaran, dangerous talaga siya. Sa’kin, ano siya e, matter of life and death.”

Ang nakakasama pa aniya ng loob, konektado pa sa gobyerno ang pinagmumulan ng fake news.

Binanggit ni Robredo ang nadiskubreng pag-hire ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ng mahigit 300 contractual employees noong 2020 na umano’y nagpapatakbo ng troll farms.

“Yung nakakasama ng loob, maraming mga fake news bearers na konektado pa sa gobyerno. Merong mga Asec, kung ano-anong posisyon sa gobyerno pero sila pa yung pinagmumulan ng gobyerno. So, umaalma tayo dun. Ang dami nang nagre-report samin, pero wala tayong hawak na hard evidence so mahirap,” giit pa niya.

Una nang nilinaw ng PCOO na ang mga nasabing ‘contract of service’ personnel ay mga social media specialist at hindi mga trolls.

Samantala, welcome din kay Robredo ang plano ng ilang senador na imbestigahan ang umano’y ‘state-funded troll farms.’

“Welcome ito, kailangan natin ito. Ang iba kasi nagsasabi, bakit ngayon lang? pero sakin, never too late kasi ang sinasalba mo yung future e.”

Facebook Comments