Planong isama ang antigen test sa COVID-19 package ng PhilHealth, pag-uusapan ngayong araw

Isasalang sa pulong ngayong araw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) board ang planong isama ang antigen test sa COVID-19 package ng ahensya.

Sa pagdinig ng House Committee on Health, nangako si PhilHealth President at CEO Dante Gierran na isasama nila sa mga tatalakayin ang panuntunan para maisama sa gastos na maaaring sagutin ng state health insurer ang antigen test.

Giit ni Deputy Minority Leader Carlos Zarate, September 2021 pa inaprubahan ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang antigen bilang isa sa mga pamamaraan ng COVID-19 testing.


Aniya, hanggang ngayon ay wala pa ring polisiya ang PhilHealth kung maaari nilang saluhin ang gastos para dito.

Paliwanag naman ni Dr. Clementine Bautista, AVP for Health Finance Policy Sector, kabilang sa proposal ang pagsasama ng antigen tests sa umiiral nang COVID-19 package pagdating sa testing imbes na magkaroon pa ng hiwalay na package at rate para dito.

Pinag-aaralan din na magkaroon ng hiwalay at ibang rate para sa antigen tests.

Facebook Comments