Planong itaas ang buwis sa mga pagkaing maalat, umani ng pagtutol sa mga senador

Para kay Senate President Tito Sotto III, sobra naman at isang kalokohan ang hirit ng Department of Health o DOH na patawan ng dagdag na buwis ang mga maaalat na pagkain.

 

Sabi ni Sotto, sapat na ang tax increase sa alak at sigarilyo kaya huwag ng pakialaman ng DOH ang maaalat na pagkain.

 

Mariin din ang pagtutol dito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.


 

Payo ni Senator Panfilo Ping Lacson sa DOH, huwag ituloy ang tax increase sa pagkain ng mga mahihirap tulad ng daing, tuyo, at noodles.

 

Katwiran pa ni Lacson, kung totoong isyu sa kalusugan ang ikinokonsidera ng DOH ay maari itong maghanap ng ibang paraan para kontrolin ang pagkain ng maalit kasabay ang kantyaw na mas maraming pagkain sa lamesa ng mga mayayaman na nakasasama sa kalusugan.

 

Tiniyak naman ni Senator Francis Tolentino na hindi nya susuportahan ang hakbang ng DOH dahil kailangan din ang asin o alat para mapanatili at mabalanse ang fluid sa katawan at marelax ang muscle fibers.

 

Diin ni Tolentino at ni Senator Imee Marcos, sa tax increase na nais ng DOH ay magiging kawawa ang mga mahihirap pati ang mga mangingisda na nagnenegosyo ng daing.

 

Sabi ni Marcos, mas dapat kolektahan ng malaking tax ang malalaking kumpanya ng telco, mga minahan na hindi sumusunod sa batas, mga bigtime importer ng langis at iba pa.

 

Giit ni Senator Koko Pimentel, dapat pag-aralang mabuti ang asin tax dahil makakaapekto ito sa mahirap na sektor ng lipunan.

 

Bukas naman si Pimentel kung ang tataasan ng buwis ay mga mga junk foods.

Facebook Comments