Planong konstruksyon ng third NLEX viaduct, welcome kay PBBM

Masayang ibinalita ni Deputy Speaker at Pampanga 3rd District representative Aurelio Gonzales Jr., na tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang plano ng North Luzon Expressway o NLEX operator na magtayo ng third Candaba Swamp Viaduct.

Ayon kay Gonzales, ikinatuwa ni Pangulong Marcos ang plano lalo’t apatnapu’t anim na taon na ang nakalipas nang itayo ang NLEX sa panahon ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Bilang isang civil engineer, nakita agad ni Gonzales noon pang 2016 ang safety issues sa Candaba Viaduct na luma na, sobrang nagamit na at dinadaanan ng masyadong maraming sasakyan.


Kaya naman sa kaniyang pulong sa Pampanga Chamber of Commerce and Industry, iginiit ni Gonzales ang pangangailangan na makapagtayo ng bagong tulay na kasabay na magagamit ng dalawang roadways ngayon.

Sabi ni Gonzales, ang konstruksyon ng third NLEX viaduct ay planong simulan sa first quarter ng 2023 at target makumpleto bago matapos ang 2024.

Binanggit ni Gonzales na ang operator ang babalikat sa P8 billion na gagastusin sa konstruksyon at ito rin ang magpapatupad ng traffic scheme na para sa kaginhawaan ng mga motorista at pasahero.

Facebook Comments