Planong kwestyunin ang MIF sa Supreme Court, posibleng hindi magtagumpay

Hindi pabor si Albay 1st District Representative Edcel Lagman sa timing ng pagpasa sa panukalang Maharlika Investment Fund o MIF lalo’t wala tayong sobrang pondo para ilagak dito, mataas din ang inflation at hindi kaaya-aya ang gross domestic product per capita.

Dagdag pa ni Lagman, ang ipinapanukalang P500 billion funding ng MIF ay mas maiging gamitin sa iba pang basic socio-economic services at infrastructure development ng pamahalaan.

Ngunit sa kabila ng pagkontra sa MIF ay naniniwala si Lagman na walang mangyayari kung kukwestyunin ito sa Supreme Court oras na ito ay malagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ganap na maging batas.


Wala ring nakikitang ‘constitutional infirmity’ si Lagman sa MIF Bill kaya malabong dinggin ng Korte Suprema ang mga petisyon laban dito.

Paliwanag ni Lagman, mayroong jurisprudence na hindi nangingialam ang Supreme Court sa polisiya o wisdom ng isang statute o batas.

Binigyang diin ni Lagman na anumang pagbabago na isusulong sa MIF ay kailangang idaan sa pag-amyenda ng Kongreso.

Facebook Comments