
Ikinalugod ni House Infrastructure Committee Co-Chairperson at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang anunsyo ng Independent Commission for Infrastructure o ICI na i-livestream ang mga pagdinig nito simula sa susunod na linggo.
Diin ni Ridon, isa itong mahalagang hakbang para maipaalam sa publiko ang lahat ng nangyayari sa takbo ng imbestigasyon ukol sa maanumalyang flood control projects.
Kabilang dito ang mga ebidensya at testimonya ng matataas na opisyal at empleyado ng gobyerno gayundin ang mga pribadong kontraktor na natukoy sa magkahiwalay na imbestigasyon ng House Infrastructure Committee at Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Ridon, tulad ng mga pagdinig sa Kongreso, ang pagsasapubliko ng ICI proceedings ay magpapabuti sa diskurso.
Palalakasin din nito ang pananagutan at pamamahala lalo na sa budget process gayundin sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto.









