Monday, February 2, 2026

Planong muling paghahain ng impeachment laban kay VP Sara, hindi pakikialaman ng Palasyo

Muling iginiit ng Malacañang na hindi pakikialaman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang hakbang para magsampa o mag-endorso ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Pahayag ito ng Palasyo kasunod ng plano ng ilang grupo na muling maghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara, na handang i-endorso ng Makabayan bloc sa Kamara.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, walang napag-uusapan sa loob ng administrasyon tungkol sa impeachment, at hindi ito pinakikialaman ng pangulo dahil nasa kapangyarihan ito ng Kongreso.

Gayunman, malinaw aniya ang paninindigan ng pangulo na ng sinumang may pananagutan ay dapat managot at hindi aniya magkakaroon ng tunay na pagkakaisa kung may mga isyung hindi sinasagot.

Nilinaw rin ni Castro na hindi maaaring ituring na “failure” ang impeachment na inihain laban sa bise presidente noong 2025, dahil may nakabinbin pa itong kaso sa Korte Suprema.

Facebook Comments