Planong pag-aarmas sa anti-crime civilian organizations, makakadagdag lang sa problema ng bansa

Mariing tinutulan ni Senator Leila De Lima ang planong pag-armas sa anti-crime civilian organizations kahit wala naman ang mga itong sinumpaang tungkulin sa taumbayan.

Babala ni De Lima, makakadagdag lang ito sa mga kinakaharap nating problema na bunga ng umano’y mga kapalpakan at kapabayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay De Lima, ang laking problema na nga na ituro ang tamang batas sa kapulisan natin, kaya bakit isasama pa sa kaguluhang ito ang pribadong mamamayan.


Giit ni De Lima, wala ring garantiya na kaya ng Philippine National Police (PNP) na makontrol ang mga aarmasang sibilyan.

Paliwanag ni De Lima, ito ay dahil bigo rin ang liderato ng PNP na mapigilan ang mga miyembro nito sa paggawa ng krimen at pag-abuso.

Mungkahi ni De Lima, kung maraming extra na pera ang ating gobyerno ay gamitin na lang pambili ng pagkain para sa mga nagugutom nating kababayan o pang-ayuda para sa mga pamilyang apektado ng pandemya.

Suhestyon din ni De Lima na bigyan ng maayos na sahod ang mga guro at healthcare workers na walang tigil magtrabaho sa kabila ng nangyayari sa ating bansa.

Facebook Comments