Manila, Philippines – Ang nakatakdang paghahain ng Motion for Reconsideration (MR) sa DOJ ang dahilan kung bakit pinagpaliban ng Makati Regional Trial Court ang arraignment sa kasong illegal drug trade laban kina Kerwin Espinosa, Peter Co at iba pang akusado.
Bunga nito, iniurong ni Makati RTC Branch 64 Judge Gina Bibat Palamos ang pagbasa ng sakdal sa grupo ni Espinosa sa August 29.
Partikular na iaapela ng mga akusado ang pagbaligtad ng second panel of prosecutors sa naunang pag-abswelto sa kanila ng DOJ.
Kabilang din sa mga kinasuhan ng DOJ sa Makati RTC sina Lovely Impal, Marcelo Adorco at Ruel Malindangan.
Una nang inihayag ng panel na nakitaan nila ng probable cause at kumbinsido sila na nagkaroon ng sabwatan ang mga akusado at nalabag nila ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.