Planong Pag-atake ng CPP, Kinondena ng 5ID

32

*Cauayan City, Isabela- *Mariing kinokondena ng pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang deklarasyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa pagbuo ng mga grupong magsasagawa ng asasinasyon o pagpatay sa mga miyembro ng kasundaluhan, kapulisan, maging sa mga kawani ng gobyerno at mga politiko.

Kasunod ito ng pahayag ni CPP Central Committee Officer Marco Valbuena na bumubuo na sila ng mga grupong maglulunsad ng asasinasyon o pag-atake sa kanilang mga target.


Ayon kay MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, kinokondena nito ang hayagang pagdeklara ng CPP sa kanilang planong pagkitil ng buhay na hindi dapat ilagay sa kanilang mga kamay ang batas at basta na lamang papatayin ang kanilang target.

Nagpapatunay din aniya ito na sila ay mga terorista dahil sa kanilang paggamit ng dahas at pagpatay sa mamamayang Pilipino.

Tinawag din ang pansin ng Heneral ang grupong KARAPATAN na kondenahin ang planong asasinasyon ng CPP dahil paglabag ito sa karapatang pantao.

Samantala, kumpiyansa naman si MGen Mina na laging nakahanda ang tropa ng 5ID sa Lambak ng Cagayan at Rehiyong Cordillera sa anumang posibleng binabalak ng mga makakaliwa.



Kaugnay nito, hinihikayat pa rin ng opisyal ang mga natitira pang miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan at makapagbagong buhay ngayong taong 2021 katulad ng mga nauna nilang kasamahan na ngayon ay umuunlad at namumuhay na ng mapayapa.


Facebook Comments