Planong pag-isahin ang DAR at DA, pinalagan ng mga empleyado

Nagsagawa ng kilos protesta ang mga empleyado ng Department of Agrarian Reform o DAR-Calabarzon sa harap ng kanilang punong tanggapan sa Quezon City, upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa planong merger o pag-isahin sa iisang departamento ang Department of Agrictulture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR).

May kaugnayan ito sa panukala sa Senado na i- “rightsize” ang burukrasya para makatipid ng salaping gagastusin sa harap ng COVID-19 pandemic.

Ang mapayapang kilos protesta ay pinangunahan ng Department of Agrarian Reform Employees Association o DAREA ng Calabarzon Region.


Nangangamba ang DAREA- Calabarzon na maaapektuhan ang paghahatid ng support services sa mga magsasaka ang planong merger ng mga departamento.

Iginiit ng mga ito na walang redundant agency dahil kaniya-kaniya naman ng mandato.

Mandato anila ng DAR na ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program.

Partikular dito ang pagpapalakas sa mga agrarian reform beneficiaries, paghahatid ng social justice sa mga small landowners, at mapaunlad ang agricultural production sa kanayunan.

Nauna na ring nagsagawa ang mga DAREA members sa buong bansa ng sabay-sabay na pagkakabit ng tarpaulin na naglalaman ng kanilang sentimyento.

Facebook Comments