Planong Pag-utang ng P763 milyon ng LGU Nagtipunan, Ibinasura

Cauayan City, Isabela- Idineklarang ‘invalid in whole’ ang ordinansang nagbibigay pahintulot kay Mayor Nieverose Meneses sa planong pag-utang ng P763 milyon mula sa Land Bank of the Philippines (LBP) para sa sinasabing paglalaan umano sa mga development project sa bayan ng Nagtipunan.

Ito ang naging desisyon matapos talakayin ng mga miyembro ng Provincial Board ng Quirino ang naturang ordinansa.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Board Member Atty. Tomas Baccac, hindi aniya sumunod ang LGU at mga kinatawan ng konseho sa umiiral na batas.


Ilan sa mga nakitang dahilan ay dahil sa una, ‘substantive validity’ at sinasabing ilalaan ito sa lupain ng tribung Bugkalot habang mayroon naman umanong Ancestral Lot Domain Title ang mga tribung Bugkalot.

Ikinokonsidera na isa itong ‘private land’ dahil nakasaad sa batas na hindi maaaring gamitin ang pera ng gobyerno para lang sa pagbili sa private properties.

Ayon pa kay BM Baccac, ang Memorandum of Agreement (MOA) na ginagamit ng LGU Nagtipunan para pumasok sa isang kasunduan ay hindi magagamit na basehan para maikyat ito sa National Commission on Indigenous People (NCIP) at ang isang tao na sinasabing kumakatawan sa mga nasabing lupain ay hindi naman otorisado na pumasok sa isang kasunduan.

Giit pa niya, bahagi rin ng Quirino Protected Landscape ang nasabing lupain kung kaya’t dapat ay gumawa muna ng isang hakbang bago pumasok sa isang kasunduan.

Pangalawa, may ‘conflict of interest’ dahil ang lupain ay may mga ilang nagmamay-ari nito gaya na lamang ng isang tao na sinasabing ibinenta umano nito kay dating Mayor Rosario Camma, ama ng kasalukuyang alkalde ng Nagtipunan.

May paglabag din umano sa umiiral na IPRA Law ang pagpasok sa isang kasunduan sa pagitan ng LGU at isang taong nagsasabing kumakatawan sa mga tribung Bugkalot.

Ikatlo, may paglabag din umano sa RA 7586 o ang “National Integrated Protected Areas System Act of 1992” ang LGU.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na nakasaad rin sa ordinansa ang pagbili ng heavy equipment na nagkakahalaga ng higit P52 milyon subalit ng ikumpara ito ng Provincial Engineering Office sa kanilang nabiling orihinal na mga equipment ay tila may deperensyang P21 milyon mula sa P30 milyo na nabibili lang ng Provincial Government.

Nakasaad din sa ordinansa ng Nagtipunan ang 9.45 kilometers road opening na nagkakahalaga naman ng P101 milyon.

Sa huli, hindi na matutuloy ang pag-utang ng LGU Nagtipunan sa kabila ng hindi pag-apruba ng Provincial Board.

Facebook Comments