Kinastigo nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at nina Senators Grace Poe at Imee Marcos ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tanggalin ang 17,000 mula sa kasalukuyang 27,000 pumapasadang angkas.
Ito ay para mapagbigyan ng tig-sampung libong slot ang dalawang bagong operators ng motorcycle taxi.
Diin ni Recto, mainam na magkaroon ng kompetisyon sa hanay ng motorcycle taxi para mapabuti ang serbisyo subalit hindi ito dapat magresulta sa pagkawala ng trabaho ng libu libong angkas drivers na namuhunan na.
Dismayado si Recto, dahil napakalungkot nitong papasko para sa matatanggal na mga angkas drivers at kanilang pamilya.
Si Senator Poe naman ay kaisa ng pamahalaan sa paglikha ng mga solusyon sa mga problema sa transportasyon pero giit niya gawin itong malinaw at idaan sa tamang proseso dahil kabuhayan ng mga angkas drivers at ng kanilang mga pamilya ang nakataya.
Si Senator Marcos naman ay nakiisa pa sa malaking rally na ginawa ng angkas drivers nito weekend.
Pinuna din Marcos na hindi isinama ng department of transportation sa pagdedesisyon ang panig ng Senado, House of Representatives, Philippine National Police (PNP), Metro Manila Development Authority (MMDA), motorbike ride-hailing companies, at mga commuter associations.