Manila, Philippines – Nilinaw ng Palasyo ng Malacañang na walang bahid ng pulitika ang planong pagbuwag sa Presidential Commission on Good Government o PCGG na siya namang mandato ay habulin ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos at mga crony nito.
Nabatid na pinaplano ni Budget Secretary Benjamin Diokno na i-abolish ang PCGG at ilipat nalang ang kapangyarihan nito sa Department of Justice.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, walang kinalaman ang pulitika sa planong pag-abolish sa PCGG.
Paliwanag ni Abella, simpleng streamlining lang ang gustong gawin ng pamahalaan.
Pinalagan naman ng PCGG ang panukala ng DBM, batay sa impormasyong inilabas ng PCGG ay ipinapakita ng mga ito ang halaga ng mga nabawi nilang ill-gotten wealth mula sa mga Marcos ay mas malaki kung ikukumpara sa ibinibigay sa kanilang budget sa isang taon.
Nilinaw din naman ni Abella na walang ginagawang hakbang ngayon ang pamahalaan para i-abolish ang Commission on Human Rights.
Matatandaan na bumanat si Pangulong Rodrigo Duterte sa CHR sa kanyang State of the Nation Address at sinabing mas magandang buwagin nalang ito.