Planong paggamit ng bagong teknolohiya sa mga susunod na eleksyon sa bansa, pinag-uusapan na sa en banc session ng COMELEC

Tinatalakay na ngayon sa en banc session ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga patakaran at specifications ng gagamiting bagong teknolohiya para sa susunod na gagawing national elections.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. Rex Laudiangco, gumagawa ngayon ng paraan ang COMELEC para makahanap ng mas maganda, mas epektibo at mas modernong technology  para sa election system sa Pilipinas.

Dapat aniya unang matutukan dito ay ang pagbalangkas ng terms of reference para makapagsagawa ng public bidding sa gagamiting bagong election system.


Dagdag pa ni Laudiangco, isinusulong din nila sa Kongreso ang modernization program at mga patarakan ng COMELEC lalo’t una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na suportado niya ito.

Kamakailan ay una nang sinabi ng pangulo na mahalagang makapagpatupad ang COMELEC ng positibong reporma para maging mas mabilis ang transmission ng resulta ng eleksyon habang napananatili nito ang accuracy ng mga boto.

Facebook Comments