Kinatigan ni House Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ang hakbang ng Department of Finance (DOF) na gamitin ang bilyun bilyong piso na nakatenggang pondo ng government-owned and controlled corporations (GOCC).
Pangunahing tinukoy ng DOF ang P500-billion na hindi nagagalaw na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na maaaring ilaan sa iba pang mga proyekto na magpapahusay sa serbisyong pangkalusugan at tutugon sa kahirapan.
Ang mahalaga ayon kay Co ay hindi maaapektuhan ang operasyon ng PhilHealth at iba pang GOCC na pagkukunan ng pondo para mailaan sa social services at infrastructure projects na makakatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya.
Nilinaw rin ni Co na ang pondong inilipat sa treasury ay sobrang pondo ng GOCC mula sa national government at hindi nagmula sa kontribusyon ng mga miyembro nito.
Mainam din para kay Co na gamitin ang reserve fund ng PhilHealth at iba pang GOCC para mapakinabangan ng taumbayan sa halip na hayaan lang itong nakatengga.