Planong paghain muli ng panukalang Bulacan Ecozone, dapat tiyaking improved version na – senador

Ayon kay Senator Koko Pimentel, dapat matiyak na improved o mas mahusay na version ang panukalang batas ukol sa pagtatayo ng Bulacan Economic Zone at Freeport sakaling mayroong muling maghain nito.

Paliwanag ni Pimentel, tinukoy na ng Malacañang ang mga nakitang depekto sa panukala na naging basehan ng pag-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tinukoy ni Pimentel na kabilang dito ang probisyon na nag i-exempt sa special ecozone at freeport mula sa pagbusisi ng Commission on Audit (COA) gayundin ang pangangailangan na i-rationalize ang incentives at tax exemption.


Binanggit ni Pimentel na kung may maghahain muli sa panukala ay dadaan din ito uli sa masusing pagtalakay ng Senado.

Dagdag pa ni Pimentel, walang garantiya na magiging katanggap-tanggap na ang panibagong bill na isusumite at ipapasa ng Senado kaya kailangang magsumikap ang mga sponsors nito.

Facebook Comments