Planong pagharang ni Senadora Imee Marcos sa aplikasyon ni Justice Secretary Remulla bilang susunod na Ombudsman, kwinestiyon ng Palasyo

Kinuwestyon ng Malacañang ang motibo ni Senator Imee Marcos sa pagtutol sa aplikasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para sa posisyon ng Ombudsman.

Sinabi kasi ni Senator Imee na ang hakbang ni Remulla ay bahagi umano ng plano para ipakulong si Vice President Sara Duterte bago ang 2028 elections.

Pero ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tila inuuna ng senadora ang interes ng mga kaalyado kaysa sa pagbibigay ng hustisya para sa publiko.

Ang Ombudsman aniya ay isang independent body na nagsisiyasat at naghahain ng kaso laban sa mga opisyal na mapapatunayang sangkot sa katiwalian.

Giit ni Castro, kung walang kasalanan ang sinumang opisyal, wala silang dapat katakutan sa proseso.

May kakayahan din aniya ang mga Duterte na ipagtanggol ang kanilang sarili, kaya walang dahilan upang pigilan ang aplikasyon ni Remulla.

Sa proseso ng pagpili ng Ombudsman, iginiit ng Malacañang na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang lider na may integridad, hindi nadidiktahan, at patas sa lahat.

Samantala, sa kabila ng mga batikos ng senadora, nananatiling tikom ang Pangulo at walang inilalabas na negatibong pahayag laban sa kanyang kapatid.

Facebook Comments