Para kay Senator Aquilino “Koko” Pimentel Jr., isang magandang ideya ang sinabi ni incoming Bureau of Internal Revenue (BIR) Chief Lilia Guillermo na hihikayatin nya si President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na maging halimbawa sa pagbabayad ng buwis.
Sabi ni Pimentel, pwede itong simulan sa pamamagitan ng pagsingil sa original na ₱23-B mula sa 203 billion pesos na umano’y estate tax ng pamilya Marcos.
Ayon kay Pimentel, magtatagumpay ang plano ni Guillermo kung makikipagtulungan at magbabayad ang may kaugnayan sa nabanggit na hindi pa nabayarang estate tax.
Magugunitang nauna ng inihayag ni incoming Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na ang mga ari-arian na saklaw ng nabanggit na estate tax ay bahagi ng mga tax case na under litigation pa.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Pimentel na sa pagpasok ng 19th Congress ay muli nyang isinusulong ang imbestigasyon ukol sa kabiguan ng Bureau of Internal Revenue na kolektahin ang bilyun-bilyong pisong halaga ng estate tax.