Hindi muna papayagan ng Department of Transportation (DOTr) na ituloy ang planong iparehistro ang mga electronic scooter o e-scooter.
Ito ang inihayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade, kasunod ng pag-draft ng Land Transportation Office (LTO) ng guidelines para sa pagpatutupad ng batas, na nag-oobliga sa mga may-ari ng electronic bikes.
Sinabi ni Tugade na natanggap na niya ang draft ng guidelines ng pagpatutupad ng nasabing batas.
Nabatid na sa ilalim ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, lahat ng mga sasakyan ay kailangang iparehistro sa LTO, lalo na ang mga ginagamitan ng makina kahit ito man ay di-kuryente o di-gasolina.
Iginiit ng kalihim na hindi napapanahon na dagdagan ang pahirap sa publiko lalo pa at kulang sa pampublikong transportasyon ang marami.
Sa ngayon, tanging bisikleta at mga electronic scooter at e-bikes ang alternatibong sasakyan ng mga manggagawa at hindi raw ito dapat ipagkait sa kanila.