Planong pagpapataw ng buwis sa online sellers, kinontra ni Senator Gatchalian

Nakikiusap si Senator Sherwin Gatchalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na huwag ituloy ang planong patawan ng buwis ang mga small-time online seller ngayong may pandemya at maraming nawalan ng trabaho.

Binigyang diin ni Gatchalian na ang pagpapataw ng buwis sa digital economy ay makakadagdag parusa sa pangkaraniwang mamamayan na hirap ngayong matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya dahil sa COVID-19 crisis.

Paliwanag pa ni Gatchalian, ang taxation sa mga produkto at serbisyo sa online ay maipapasa sa mga customer na karamihan ay nasa middle-class.


Babala pa ng Senador, ang nasabing plano ay tiyak makakadiskaril sa lumalagong digital economy sa bansa.

Iginiit ni Gatchalian na sa halip pagdiskitahan ang mga online seller ay mas dapat unahin ng gobyerno ang koleksyon mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na may utang pang buwis na umaabot sa 50-bilyong piso.

Bukod kay Gatchalian, ay nagpahayag na rin ng matinding pagtutol sa nasabing hakbang sina Senator Joel Villanueva at Risa Hontiveros.

Facebook Comments