Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat dumaan sa pag-apruba ng Kongreso ang planong pagpapatayo ng nuclear power plants sa bansa.
Paliwanag ni Pimentel, nakasaad na kailangan muna ng batas kung ang generation ng enerhiya ay magmumula sa nuclear technology.
Kakailanganin din ng batas kung papaano ima-manage ang nuclear waste at pagpapatibay ng isang regulatory body bago pa man masimulan ang pagtatayo ng nasabing proyekto.
Ibig sabihin ang pag-apruba ng nuclear power generation at ang pagbuo sa polisiya para dito ay hindi lamang dedesisyunan ng Ehekutibo kun’di isasailalim din sa pag-apruba ng Kongreso.
Tinukoy rin ni Pimentel na batay sa Local Government Code, kailangan ding konsultahin ang Local Government Units (LGUs) at mga residente lalo na kung sa lugar nila itatayo ang nuclear power plants.
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat masimulan na ng gobyerno ang pagpapatupad ng mandatory na mga kasunduan at batas kaugnay sa nuclear power tulad ng paglikha ng independent nuclear regulator at pagtalima sa nuclear safety.